Polusyon sa hangin lumala sa Bagong Taon

MANILA, Philippines - Lalong lumala ang polusyon sa hangin na naitala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kainitan ng pagdiriwang ng Bagong Taon sa Metro Manila.

Nakapagtala ang kagawaran ng aabot sa 1,437 micrograms per normal cubic meter of air ang panukat nilang particulate matter 10 microns sa Metro Manila na mas mataas kumpara sa 537 micrograms noong 2013.

Ayon kay DENR Secretary Ramon Paje, lumampas ang lebel ng polusyon sa hangin sa Metro Manila nitong Enero 1 sa itinakdang limit ng World Health Organization (WHO) na may average na 150 ug/Ncm ang itinuturing na mabuting hangin.

Tatlong beses din itong mas mataas sa taong 2013 na nagkapagtala lamang ng 537 ug/Ncm.

Ang dalawang lugar na may mataas na lebel ng PM10 na hangin ay sa Quezon City na nagtala ng 1,990 ug/Ncm at ang Ateneo de Manila University sa Katipunan, ganap na ala-1 ng madaling araw at ang intersection ng Edsa at Timog Avenue na 1, 450 ug/Ncm.

Sinundan ang mga ito ng Valenzuela City, 1,160 ug/Ncm at Taguig City 1,150 ug/Ncm, ganap na alas-4 ng madaling araw.

Nangangamba ang DENR na maaaring magdulot ng pinsala sa respiratory system ang polusyong dala ng paputok. 

Kaya naman dagdag ng kagawaran, sinusuportahan umano nila ang ibang ahensya sa pagpapahinto ng paggamit ng paputok o anumang bagay na maaring makasira sa kapaligiran o hangin.

Show comments