MANILA, Philippines - Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng paputok na pumalo na sa 933.
Sinabi ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na ang nasabing bilang ay mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 21, 2013 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 3, 2014.
Sa nasabing datos, 914 ang nasugatan dahil sa paputok, 2 ang nakalulon ng paputok at 17 ang tinamaan ng ligaw na bala.
Mas mataas ito sa naitalang 919 fireworks-related injuries noong taong 2012, na kinabibilangan ng 892 fireworks-injuries, dalawang fireworks ingestion at 25 stray bullets.
Iniulat din ni Tayag na patuloy rin sa pagdami ang bilang ng mga nabiktima ng piccolo na umabot na sa 354 o 39% ng kabuuang fireworks injuries.
Kabilang sa mga bagong biktima ng paputok ang isang 11-anyos na batang lalaki na naputulan ng dalawang kamay matapos masabugan ng paÂputok sa Quezon City.
Pinulot umano ng hindi pinangalanang biktima na residente ng Balong Bato, Quezon City ang di pa batid na uri ng fireworks, matapos na hindi ito agad sumabog.
Nang hawak na ng bata ang paputok ay saka ito sumabog sanhi upang mapinsala ang kanyang dalawang kamay.
Kaagad namang naisugod sa MCU hospital ang biktima ngunit kinailangang putulin na ang kanyang dalawang kamay dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ng mga ito.
Patuloy pa rin ang paalala ni Tayag sa mga nasugatan dahil sa paputok ngunit hindi pa nagtutungo sa pagamutan, na kaagad nang kumonsulta sa doktor upang makaiwas sa tetano.