MANILA, Philippines - Iminungkahi ni Las Piñas Rep. Mark Villar ang paglalagay ng blood type ng isang tao sa lahat ng ibinibigay na identification card at mga lisensya ng pamahalaan dahil maaaring maging napaka makabuluhan nito sa pagtugon sa panahon ng pangangailangan.
Sa panukala ni Rep.Villar, ang tipo ng dugo ay dapat ding maipakita sa katibayan ng kapaÂnganakan at sedula ng may-ari. Kasama rin dito ang lisensya sa pagmamaneho mula sa LTO at lisensya ng mga baril mula sa PNP. Maging ang mga ID mula sa gobyerno tulad ng SSS, GSIS, pasaporte at PIC o Professional Identification Card ay dapat ding magpakita ng tamang tipo ng dugo ng may-ari.
Ang mga ahensya ng gobyerno na responsable sa pag-isyu ng nabanggit na mga lisensya at mga ID ay ang mga ahensyang magpapatupad ng batas na ito. Kinakailangan nilang makipagtulungan sa Kagawaran ng Kalusugan sa pagbuo ng mga patakaran at regulasyon upang maipatupad ang batas sa loob ng 6 na buwan mula sa petsa ng pagpapabisa.
Itinuturing na paglabag sa batas na ito ang pagÂlalagay ng maling tipo ng dugo at ito ay may karampatang parusa ng hindi bababa sa P5,000. Ang isang kawani ng gobyerno na lumabag sa batas na ito ay dapat ding managot ng parehong parusa at pagpapaalis mula sa serbisyo.
Ang panukala ni Villar ay maaaring magsulong ng kamalayan sa kahaÂlagahan ng pag-alam ng tipo ng dugo ng isang tao.
Hindi lamang ito makakatulong na agarang masalinan ng tamang tipo ng dugo ang isang tao sa panahon ng pangaÂngailangan, ngunit maari din siyang makatulong sa ibang nangangailangan ng dugo.
Madalas, ang mga ordinaryong mamayan ay walang sapat na kaalaman ukol sa tipo ng kanilang dugo. Kung ang nasabing impormasyon ay nakalagay sa kanyang ID, palagi niya itong matatandaan o madali n’ya itong matitignan kung kinakailangan.