MANILA, Philippines - Aminado ang ilang lider ng Kamara na naging mabagal ang pagpapatibay ng mga panukalang batas ng kasalukuyang kongreso simula ng mag-umpisa ito noong Hulyo.
Sinabi ni House Majority leader Neptali Gonzales II, na apat lamang ang napagtibay na batas kabilang na dito ang kanselasyon ng Sangguniang Kabataan (SK) elections, P14.6 bilyon supplemental budget, 2014 General Appropriations Act at ang Joint resolution na nagpalawig ng validity ng Calamity funds at iba pang pondo sa ilalim ng 2013 budget.
Paliwanag ni Gonzales, ito ay dahil sa naging mabagal ang proseso ng mga panukala sa Kamara dahil sa natagalan ang pag-organisa ng mga komite sa kapulungan bukod pa ang pagiging abala sa pagsalang sa 2014 budget sa Kamara.
Samantalang may ilan naman umanong panukala na hindi naihabol sa agenda ng plenaryo tulad ng free mobile alert for disasters, anti political dynasty at pagtukoy ng lupaing pag-aari ng gobyerno na gagamitin sa socialized housing.
Inamin din ni Gonzales na ang isyu ng pork barrel abolition ang pinakamabigat na isyung hinarap sa unang bahagi ng 16th Congress subalit dapat pa rin umanong papurihan ang mga kongresista dahil nagawang pagtibayin ang porkless 2014 budget ng nasa takdang oras.
Para naman kay House Committee on Justice Chairman Neil Tupas Jr., hindi ganoon kadami ang mga nagawa ngayon ng kongreso kumpara noong 15th Congress.
Nilinaw ni Tupas na hindi ito dahil sa kapabayaan o katamaran ng kongreso kundi dahil maraming mga nangyari nitong taon na naging dahilan kung kaya nabinbin ang gawain at pagpapasa ng batas.
Sa pananaw naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, nagpahina sa Kamara ang pork barrel scam subalit kahit na masakit at mahirap ay nakabangon pa rin umano ang kongreso sa naturang intriga.