MANILA, Philippines - Patuloy na lumolobo ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa kabila ng maigting at sunod-sunod na paalala ng Department of Health (DOH) na huwag ng gumamit ng ano mang uri ng firecracker.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), umabot na sa 244 ang kanilang naitala simula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 30.
Kabilang dito ang 238 injuries sa paputok, isang firework ingestion at lima ang tinamaan ng ligaw na bala.
Mas higit na mataas ito sa naitalang fireworks-related injuries sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon na nagtala lamang sa 188 ang fireworks related injuries.
Nangunguna pa rin sa dami ng nabiktima ang piccolo na umaabot na sa 153 o 64% ng kabuuang 238 fireworks injuries.