Salubungin ng payapa at ligtas ang 2014

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang ang pa­nawagan nito sa taumbayan na salubungin ang 2014 na mapayapa at ligtas kasabay ang panawagang iwasan ang paggamit ng mapaminsalang paputok, ayon kay PCOO Sec.Herminio Coloma Jr.

Nanawagan din ang Palasyo sa mamamayan na sundin ang mga paalala ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang anumang sakuna sanhi ng paggamit ng mga paputok.

“Sa kasalukuyan, iba­yong paghahanda ang isinasagawa ng humigit kumulang na 1,800 na hospital sa buong kapuluan kabilang na ang 721 na pampu­blikong pagamutan na nasa ilalim ng direktang pangangasiwa ng DOH,” wika pa ni Sec. Coloma.

Aniya, puspusan din ang pagkilos ng pamunuan ng Philippine National Police para mapanatili ang kapa­yapaan at mabawasan ang insidente ng krimen sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Kamakailan lamang ay inilagay na sa heigh­tened alert ni Police director general Alan Purisima ang buong pwersa ng PNP upang paigtingin ang pagmamanman at pagpapatrolya sa mga matataong lugar, tulad ng mga pasyalan, simbahan, palengke, terminal ng bus, barko, at sasakyang panghimpapawid, at maging mga shopping mall.

Idinagdag pa ni Sec. Coloma, nagsimula nang takpan ang dulo ng mga baril ng tinatayang 148,000 na pulis upang maiwasan ang iligal at walang habas na pagpapaputok ng armas sa pagpasok ng Bagong Taon.

“Pagkatapos ng pagdiriwang, muling sisiyasatin ng mga hepe ng mga presinto at himpilan ang mga baril ng kani-kanilang tauhan upang mabatid kung sino ang lalabag sa nasabing panuntunan at patawan ng kaukulang parusa,’ paliwanag pa ng PCOO chief.

Show comments