MANILA, Philippines - Walang inaasahang bagyo na tatama sa ating bansa hanggang pagpasok ng Bagong Taon 2014, subalit may mga pagbuhos ng ulan at pagkulog na mararanasan lalo na sa hapon o gabi.
Ayon sa Pagasa, wala silang namataang namumuong sama ng panahon na maaring maging bagyo, malapit sa Philippine area of responsibility, pero may mga mahinang pag-ulan na posibleng maranasan. Mas mararanasan ng publiko ang malamig na panahon lalo na sa madaling araw dulot ng hanging amihan na nakakaapekto sa bahagi ng Northern Luzon.
Mararanasan ang maulap na papawirin sa Bicol, Mimaropa at Western Visayas na may mana-kanakang pagbuhos ng ulan at pagkulog. Gayundin sa Cagayan Valley, Ilocos at Cordillera, habang sa Metro Manila at iba pang nalalabing lugar sa bansa ay bahagyang magkakaroon ng maulap at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog.