MANILA, Philippines - Maaring mapanatili ni Department of Energy (DOE) Secretary Jericho Petilla ang kanyang puwesto makaraang iulat ng National Electrification Administration (NEA) na may suplay na ng kurÂyente ang buong lalawigan ng Leyte isang araw bago ang itinakda niyang palugit sa sarili.
Matatandaan na naÂngako si Petilla isang linggo matapos ang pagtama ng bagyong Yolanda sa Visayas na magbibitiw sa puwesto kung hindi maibabalik ang suplay ng kuryente hanggang bisperas ng Pasko.
Kinumpirma rin ng Leyte Electric Cooperative (Leyeco) 2 na 100 porsyento na ng “service area†nila ang na-energized.
Natupad man ang pagbabalik ng suplay ng kuryente, bigo naman si Petilla sa pagnanais na mapailawan ang mga kabahayan dahil sa hindi pa naisasaayos ang linya ng kuryente dulot ng matinding pinsalang natamo sa maraming lugar sa Leyte.
Sa Tacloban City, 50 sa 183 barangay na ang naibalik ang suplay ng kuryente ngunit hindi sa mga bahay. Inuna umano ng pamahalaan ang pagsasaayos ng linya ng kuryente sa mga pangunahing pasilidad tulad ng mga ospital, simbahan at mga opisina ng pamahalaan.
Nangangahulugan ito na madilim pa rin ang malaking bahagi ng Tacloban City pagsapit ng Pasko dahil sa patuloy pa rin ang konstruksyon ng mga bagong bahay at pagkukumpuni ng mga nasira.