MANILA, Philippines - Mahaharap sa pagkakadismis sa serbisyo ang sinumang pulis na masasangkot sa indiscriminate firing o pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang ipinalabas na babala ng liderato ng pambansang pulisya alinsunod sa mahigpit na direktiba ni PNP Chief Director General Alan Purisima na nagbabawal sa mga pulis na magpaputok ng baril sa nasabing okasyon na tradisyunal na ipinagdiriwang sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, ang trabaho ng kapulisan ay bigyang proteksyon ang publiko para tiyakin ang mapayapang pagdiriwang ng kapaskuhan lalo na ang pagsalubong sa pagpapalit ng taon.
Sinabi ni Sindac na seryoso ang nasabing paalala sa kapulisan ng PNP kaya dapat na pairalin ng mga ito ang disiplina bilang mga alagad ng batas.
Samantala bukod sa pagpapaputok ng baril ay bawal ring gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok ang mga parak.
Ginawa ng opisyal ang babala dahil tuwing Bagong Taon ay maÂraming mga pulis na nasasangkot sa indiscriminate firing. Gayundin upang mabawasan kundi man tuluyang masupil ang mga biktima ng ligaw na bala.
Ang baril ng mga pulis ay tradisyunal na sineselÂyuhan ang dulo upang hindi magamit sa pagpapaputok ng baril kung saan bago magbagong taon ay isinasagawa ito sa iba’t ibang himpilan ng PNP sa buong bansa.
Idinagdag pa ng opisyal na maari namang salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mapayapang paraan tulad ng pagpapatugtog ng musika, pagsisindi ng mga fireworks, pagpito, paggamit ng mga torotot at iba pa.
Patuloy rin ang pagÂhikayat ng PNP sa mga local executives na maglaan ng ‘fire cracker zone area’ upang mabawasan rin ang polusyon na dulot ng mga paputok at maiwasan ang biktima ng mga paputok lalo na ang mga bata.