MANILA, Philippines - Posibleng maharap sa mga problemang legal ang Pasay City Council at lokal na pamahalaan makaraang magpasa ng panibagong resolusyon na nag-uutos na ituloy ang P54.5 bilyong kontrata sa reclamation sa 300 ektaryang bahagi ng Manila Bay.
Sinabi ni Konsehal Arvin Tolentino, minoÂrity floor leader at isa sa tumutol sa bagong resolusyon, na ang una nilang inilabas na resolusyon na bumabawi sa inaprubahang “Joint Venture Agreement (JVA)†ay isa sa paraan para proteksyunan ang konseho at Office of the Mayor sa mga kasong legal dahil sa kuwestiyon sa proÂsesong dinaanan ng pag-aaward ng kontrata.
Sa en banc session kahapon ng Pasay City Council, walong konsehal ang pumabor habang lima ang tumutol sa resolusyon para sa pagpapatuloy ng awarding ng kontrata.
Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang unang nagpasa ng resolusyon ang konseho na inaprubahan ng lahat ng Konsehal para bawiin ang kontrata dahil umano sa mga iregularidad sa proseso.
Ayon kay Tolentino, sa bagong resolusyon maaaring mapahaba pa ang proseso dahil sa posibleng pagsasampa ng kaso ng ibang stakeholders na may interes sa kontrata.
Pinaalalahanan rin ni Tolentino ang kapwa niya konsehal, ang utos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na ipinadala sa tanggapan ni Mayor Antonino Calixto na humingi ng legal na opinyon sa Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sinabi naman ni Konsehal Richard Advincula na maaaring mag-isyu ng “Ceast and Desist Order†(CDO) ang PRA sa kontrata dahil sa pagpapatuloy nito kahit hindi pa nareresolba ang mga sinasabing iregularidad.
Ang resolusyon ay isa umanong paglabag sa Executive Order 146 na nagbibigay ng kapangyarihan ng Pangulo sa National Economic and Development Authority (NEDA) para mag-apruba sa mga reclamation projects sa bansa.
Isa rin sa mga tumutol sa resolusyon si Konsehal Advincula makaraang magulat siya nang makasama sa agenda ng session ang resolusyon sa reclamation project kahit hindi niya ito napirmahan bilang majority floor leader.