MANILA, Philippines - Nakalusot sa dalawang ambushed attempt pero sa ikatlong pagkakataon ay napatay ng mga hindi kilalang kalalakihan si Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa, asawa nito, pamangkin at isang 18-buwang paslit matapos silang pagbabarilin sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-T3), kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, kalalapag lamang sa NAIA 3 dakong 11:15 ng umaga ni Mayor Talumpa kasama ang misis na si Lea at pamangkin na si Salipuddin Talumpa, 25, galing Zamboanga del Sur sakay ng Cebu Pacific Airlines flight 5J - 852.
Habang naghihintay ng kanilang sasakyan sa Loading Bay 3 ng arrival area ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga hindi kilalalang lalaki sakay ng motorsiklo. Tiyempo namang nasa arrival area rin ang pamilya ng batang si Philip Thomas Estuesta Lirasan na nadamay sa pamamaril.
Dead on arrival ang pamilya Talumpa at si Lirasan sa Villamor Air Base Hospital. Nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo ang alkalde at isa sa katawan habang ang kanyang misis ay may apat na tama sa katawan.
Nagtamo naman ng 3 tama sa katawan at isa sa ulo si Salipuddin habang isa sa ulo ang tama ni Phil Thomas.
Nabatid na na-late lang ng 5 minuto ang susundo sana sa pamilya Lirasan ng madamay sa pamamaril.
Sugatan naman ang pamangkin ni Mayor Talumpa na si Romaida Talumpa; Ronda Lantagan, 26; ina ni Lirasan na si Marie Ann, 28; Amalia dela Cruz Lirasan, 58, at Diana Uy, 3.
Isinugod ang mga ito sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa mga saksi, nakasuot umano ng police uniform ang mga salarin na posibleng dahilan kaya malayang nakapasok sa paliparan na armado umano ng mga kalibre .45 baril.
Nagdulot naman ng panic sa mga tao ang insidente na nagkanya-kanyang takbuhan habang ang iba ay dumapa na lamang.
Blangko pa ang mga otoridad sa motibo ng pamamaslang ngunit pinakamalapit ang anggulo ng pulitika.
Dati nang tinambangan si Talumpa at misis nito noong 2010 ng pasabugan ng granada ang kanilang sasakyan habang nakahimpil sa isang bayan sa Pagadian City at noong Setyembre 2012 sa Ermita, Maynila makaraang hagisan ng granada na kapwa nakaligtas.
Inamin naman ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Anghel Honrado na walang closed circuit television camera (CCTV) na nakakabit sa lugar ng pamamaril. Bigo rin ang Aviation Security Group (ASG) na madakip ang mga salarin na tumakas lulan ng isang motorsiklo.
“Hindi pala ligtas sa T3 akalain mo sa lahat ng international airport ito lang ang walang CCTV camera. Ano ang ginagawa ng pamunuan ng MIAA tungkol dito?†wika ng ilang hintatakot na opisyal sa MIAA.
Samantala, inutos na ni Pangulong Aquino sa PNP ang mabilis na pagtugis sa mga suspek na bumaril at nakapatay kay Mayor Talumpa at 3 pa.
“We condemn this blatant act of violence that has killed an innocent bystander and imperiled the safety of citizens in the airport. The government will adopt necessary measures to ensure the citizen’s safety especially during this holiday season,†wika ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. (May ulat nina Danilo Garcia/Joy Cantos/Rudy Andal)