P35M laan sa proteksyon ng heritage sites

MANILA, Philippines - Nagtatabi ng P35 million ang Albay para sa proteksiyon at pangangalaga ng malawak at mahahalaga nitong mga “cultural heritage sites” o pamanang yamang lahi, bilang tugon sa mga aral na dulot ng mga kalamidad na halos bumura sa yamang lahi ng Kabisayaan.

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang pana­nalantang dulot mga kalamidad sa mga yamang lahi ng Kabisayaan, lalo na sa Bohol at Leyte ay lumilitaw na “pinakamalaking aral mula sa mga nakaraang kalamidad” kamakailan, lalo na ang Supertyphoon Yolanda.

Nitong Oktubre, isang malakas na lindol ang nagpadapa sa Bohol at Cebu na gumiba sa mahahalagang mga lumang simbahan sa dalawang lalawigan.

Ang P35 milyon itinatabi nila, ayon kay Salceda ay para mabigyan ng proteksiyon ang pamanang yamang lahi ng Albay, kasama na ang mga lumang “Baroque churches” at Cagsawa Ruins nito at magiging puhunan sa pangangalaga ng mga ito mula ngayong taon.

Show comments