36 bus ng Don Mariano bagsak sa LTO inspection
MANILA, Philippines - Umaabot sa 36 na pampasaherong bus ng Don Mariano Transit ang bumagsak kahapon sa road worthiness test ng Land Transportation Office-Motor Vehicle InsÂpection Center sa East Avenue, Quezon City.
Sinabi ni Engr. Joel Donato, hepe ng LTO-MVIC sa QC na ang bilang ay mula pa lamang sa 42 units na kanilang nainspeksiyon. May 78 units ang Don Mariano Transit ang isasailalim sa inspeksiyon ng LTO makaraang masangkot sa malagim na aksidente sa Skyway Bicutan, Taguig nitong Lunes ng umaga na kumain ng maraming buhay at nakasugat ng ilang pasahero nito.
Sa unang phase ng inspection kahapon, 6 unit lamang ang pumasa sa kanilang pagkilatis.
Ilang paglabag sa transport law and regulations ay ang kawalan ng brake light, sirang windshield, walang seatbelt, dilapidated-defective headlight, tail light, kalbo na ang mga gulong at kulang sa turnilyo.
Bukod dito, isasalang naman sa seminar ang mga tsuper ng Don Mariano Transit para matiyak na qualified ang mga itong makapagmaneho ng pampasaherong bus.
Mula kahapon ay bawal bumiyahe ang lahat ng bus ng Don Mariano hanggang sa Enero 24, 2014 para sa 30 days suspension na iginawad dito ng LTFRB habang iniimbestigahan ang naturang kaso.
Niliwanag naman ni LTFRB board member Ronald Corpuz na ang suspension ay hindi pa parusa bunga ng aksidente kundi ito ay SOP lamang sa mga bus company na nasasangkot sa aksidente at makaraan ang public hearing ay saka sila magpapalabas ng kaukulang kaparusahan laban sa Don Mariano Transit base sa bigat ng kasalanan nito.
Sa January 7 ang itinakdang hearing ng LTFRB.
- Latest