AFP hindi magdaraos ng bonggang anibersaryo

MANILA, Philippines - Bilang pakikisimpa­tiya sa mga biktima ng super bagyong Yolanda partikular na sa Visayas Region, isang simpleng selebrasyon na lamang ang idaraos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ika-78 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito  ngayong linggo.

Ito ang inihayag kahapon ni AFP Spokesman Major Gen. Domingo Tutaan Jr., upang maka­tipid ng pondo ang AFP bagama’t inisyal na napondohan ang nasabing okasyon ng P7M.

“So its toned down (AFP anniversary) , ac­tually to sympathize with the victims of the recent calamities,  and everything and so that the expenses that will be saved out of this will be dedicated to the continuing human assistance and disaster response,” pahayag ni Tutaan.

Sinabi ni Tutaan,  hindi na magarbo ang selebrasyon at wala ng mangyayaring parade ng mga sundalo tulad ng tradisyon sa tuwing idaraos ang aniberasyo ng AFP.

Nabatid na ang tuwing ika-21 ng Disyembre ang anibersaryo ng AFP pero dahilan sa natapat ito sa araw ng Sabado ay isasagawa na lamang sa Huwebes at Biyernes (Disyembre 19 at 20)  sa pamamagitan ng panalangin at awarding sa mga bayaning sundalo.

Inihayag ng opisyal na magastos ang pagpaparada sa mga sundalo na bago ang selebrasyon ay nagsasagawa ng pagsasanay pero ngayong taon ay ilang piling unit na lamang ang magsasagawa ng ‘formation’ sa nasabing okasyon.

Samantalang wala na ring mangyayaring ‘fly by’ o pagpapasiklaban ng mga eroplano ng Philippine Air Forces himpapawid na karaniwan ng ginagawa kada taon sa anibersaryo ng hukbong sandatahan.

Show comments