MANILA, Philippines - Hindi na naman sinipot ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairman Zenaida Ducut ang pagdinig ng House Committee on Energy kahapon.
Dahil dito, kayat kinuwestiyon nina Act Rep, Antonio Tinio at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa pagsisimula ng pagdinig ang hindi pagsipot ni Ducut.
Ayon kay Tinio, ito na ang ikalawang pagdinig na kailangan ang presensiya ni Ducut subalit ‘no show’ pa rin ito gayung marami silang gustong itanong dito.
Bukod umano sa pag apruba ng ERC sa napakalaking power rate increase ay lumalabas pa sa mga pahayagan na 5% ang tinanggap nitong komisyon sa mga tranÂsaksyon sa pork barrel scam.
Iginiit ni Colmenares na ang pagharap sa Congressional hearing ay bahagi ng trabaho ng mga pinuno ng ahensiya tulad ni Ducut kaya’t kung hindi umano ito kayang gawin ng chairman ng ERC ay mas mabuting magbitiw na lamang ito.
Sa paliwanag ng kinatawan ng ERC na si Executive director Atty. Francis Juan , mayroon pulong sa ERC kaya kailangan doon ang presensiya ni Ducut.