PH hiling sa US na maipasailalim sa TPS

MANILA, Philippines - Pormal na hiniling ng pamahalan sa Estados Unidos na ilagay ang Pilipinas sa ilalim ng Temporary Protected Status (TPS).

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, ang kahilingan ng Pilipinas sa US government ay ipinadala noong Biyernes, Disyembre 13 sa US  Department of Homeland Security.

Sa ilalim ng TPS, papayagan ang mga eligible Pinoy na manatili at magtrabaho sa US upang makatulong sila sa kasalukuyang recovery efforts ng bansa matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda o Haiyan sa Central Visayas noong nakalipas na buwan na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao at 16 milyon  pa ang naapektuhan at nawalan ng tahanan.

Sinabi ni del Rosario, kapag naaprubahan ang kahilingan, ang mga eligible o kuwalipikadong Pinoy ay maaaring umpisahan na maghain ng kanilang apli­kasyon na ire-review sa case-to-case-basis.

Idinagdag pa ng Kalihim na sakaling ma-grant ang naturang kahilingan, makakasama na ng Pilipinas ang apat pang bansang El Salvador, Haiti, Nicaragua at Honduras na nasa ilalim ng TPS matapos na dumanas ng matitinding natural disaster o kalamidad.

 

Show comments