MANILA, Philippines - Inihain ni Las Piñas Rep. Mark Villar sa Kongreso ang isang panukalang-batas na magpapasimple sa lengguwahe o termino sa lahat ng mga dokumento ng pamahalaan para mas higit na maunawaan ng ordinarÂyong mga Pilipino.
Layunin ng ‘Plain Writing for Public Service Act of 2013’ na panukala ni Villar na mahinto ang paggamit ng mahihirap at malalabong salita sa lahat ng mga dokumento ng pamahalaan.
Ang panukalang batas na ito ay base sa malaking tagumpay na tinamasa ng Estados Unidos sa kahalintulad na batas. Ang pangunahing layunin ng batas na ito ay bigyan ang lahat ng mga Pilipino ng pagkakataon upang madaling maunawaan ang mga dokumento kapag kailangan nilang kumuha ng mga impormasyon o dokumento sa pamahalaan. Titiyakin din nito na ang mga kautusan at regulasyon ng gobyerno ay maipatutupad nang maayos.
Kung maaprubahan, ang Civil Service Commission (CSC) ang naatasang magpatupad ng batas na ito na may nakalaang badyet para sa pagsasanay ng mga tauhan, pagsubaybay sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno at paninigurado sa tamang pagpapatupad ng programa.
Si Rep. Villar ay ilang taon nang nanunungkulan sa serbisyo publiko. Nauunawaan niya kung gaano kahalaga para sa mga ordinaryong tao na magkaroon ng pantay na paggamit sa lahat ng mga dokumento ng pamahalaan at mga kaugnay na benepisyo.
Kung hindi nila mainÂtindihan ang mga dokumento na mga ito, may malaÂking posibilidad na hindi nila magamit ang mga benepisyong nararapat sa kanila o maaari silang magkamali sa pagsusumite ng mga dokumentong kinakailangan.
Kung naging malaki at positibo ang epekto sa Amerika ng kahalintulad na batas, naniniwala si Villar na maari din itong mangyari sa Pilipinas kung maiÂpatutupad ng maayos. Ang bawat Pilipino, nakapag-aral man o hindi, ay may karapatang magkaroon ng kamalayan sa lahat ng bagay na nagmumula sa pamahalaan at mga bagay na makakaapekto sa kanila.