MANILA, Philippines - Lalong pinaigting ng Albay ang kampanya nito para maging bagong ‘tourist gateway’ at pasisimulan sa January 30, 2014 ang inaugural Xiamen-Legazpi chartered flight mula sa China.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, target nila ang 17,000 Chinese tourists sa susunod na taon ngunit sabi ng mga travel agencies maaari itong umabot ng 50,000.
Sa talaan ng mga International tourism organizations, ang isang Chinese tourist ay pangkaraniwang gumagasta ng US$300 sa isang gabi lang. Kahit na sa konserbatibong US$ 275 isang araw na gastos, ito ay katumbas pa rin ng kitang P213 milyon sa turismo ng Albay at maaaring mahigit pa.
Tinataya ng gubernador na 200 Chinese tourists ang darating bawat flight kada ika-5 araw sa loob ng tatlong buwan. Katumbas ito ng 3,600 katao na maglalagi ng limang araw sa Albay o 18,000 guest nights sa isang taon.
Ayos na ang Xiamen-Legazpi direct flights, ayon kay Salceda at target nito ang 150,000 Chinese guests isang taon pagdating ng 2017 para sa Albay bilang major destination, katulad ng Boracay at Cebu. Ang iba pang inaasahang foreign tourist markets para sa Albay ay ang South Korea, Russia at Japan.
Tampok ng sistema ng Legazpi-Xiamen flight ang mabilisang pag-ayos ng Visa Upon Arrival, na ginaÂgamit na ngayon ilang mga airport sa bansa. Wala itong busisi kaya maginhawa para sa mga turista, at lalong magiging kasiya-siya para sa bibisita sa Albay.
Ang 2014 na pagbukas ng Legazpi Domestic Airport bilang bagong gateway ay nauna pa sa 2016 na pagbubukas ng Southern Luzon International Airport, na siyang inaasahang magdadala ng mga turista sa Kabikulan.
Bukod sa China, inaasahan din niyang magkaÂkaroon din ng mga direct flights dito mula at paÂtungong South Korea, Russia at Japan.