MANILA, Philippines - Inalis na ng Russian government ang pagbabawal sa kanilang mamamayan na mag-travel o pumunta sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng Russia na bagaman maaari nang bumisita ang mga Russian sa bansa, hindi naman sila pinapayagan na tumungo sa mga kritikal na lugar na lubhang tinamaan ng bagyong Yolanda.
Noong Nobyembre 13, inirekomenda ng Russian Foreign Ministry sa mga Russian travelers na pansamantalang umiwas na tumungo sa Pilipinas dahil sa matinding kalamidad mula kay Yolanda na tumama noong Nob 8 sa Visayas at ibang katimugang lugar sa Luzon.
Sa huling anunsyo, ipinaliwanag ng Russia na ang sitwasyon sa Pilipinas ay bumabalik na sa normal pero pinapayuhan pa rin ang kanilang mamamayan na iwasan munang bumisita sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa Boracay, Cebu, Palawan at Bohol islands.
Ayon sa DFA, libu-libong Russian tourists ang dumadagsa sa Pilipinas tuwing winter season.