Carandang nagbitiw sa Comm. Group ni PNoy

MANILA, Philippines - Tinanggap ni Pangulong Aquino ang pagbibitiw sa puwesto ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Sec. Ricky Carandang.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, epektibo ang pagbibitiw ni Sec. Carandang sa Dis­yembre 31 matapos na tanggapin ito ng Pangulo noong Disyembre 10.

Pinasalamatan ni Carandang ang Pangulo sa ipinagkaloob na pagtitiwala upang makapagsilbi sa gobyerno.

Sabi ni Lacierda, hindi pa nila alam kung magkakaroon ng pagbabago sa Presidential Communications Group kung ibabalik ito sa Office of the Press Secretary (OPS).

Pansamantalang mamamahala sa PCDSPO si Usec. Manolo Quezon III.

Itinanggi naman ni Lacierda na may plano sila ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na magbitiw din sa puwesto kasunod ni Carandang.

Inamin din nito na nasa Singapore sila nina Carandang at Valte noong nakaraang weekend kaugnay sa nakatakdang pagiging host ng Pilipinas sa APEC Summit sa 2015.

Samantala, itinalaga na ni Pangulong Aquino si Finance Usec. Joseph Philip Sevilla bilang Customs Commissioner kapalit ng nagbitiw na si Comm. Ruffy Biazon. Naunang itinalaga ito ni PNoy bilang officer-in-charge ng BOC pero ngayon ay itinalaga na itong regular customs chief.

 

Show comments