Administrative case vs mga pulis na magpo-post ng selfie photo sa facebook et al
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang pamunuan ng Philippine National Police na sasampahan ng kasong administratibo ang mga pulis na mahuhuling magpo-post ng ‘selfie photo’ gamit ang kanilang smartphones at webcams sa facebook at iba pang social networking site sa Visayas Region na grabeng sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sinabi ni PNP Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Senior Supt Reuben Theodore Sindac na hindi kasi nakakatulong sa halip ay nakakabigat lamang sa pighati ng mga biktima ang mga ganitong uri ng larawan.
Ang hakbang ay kasunod nang ipinalabas na memorandum ni P/Director Lina Sarmiento, chief ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR) sa lahat ng mga police personnel at officer na bawal ang mag-post ng ‘selfie photo’ sa disaster areas.
“We are prohibiting our policemen for taking selfie photo on stricken disaster areas ( Visayas Region) and posting it to social networking site, that is a short reminder, they are not on holiday mood,†dagdag pa ng opisyal.
Nabatid na hindi naibigan ng liderato ng PNP ang tila’y hindi maawat na pagkalat sa mga social networking site tulad ng facebook ng mga pulis na umano’y tila ipinagmamalaki pa ang pag-posing sa mga lugar na naapektuhan ng matinding kalamidad.
Sinabi ni Sindac na ang layunin ng nasa 1,500 pulis na idineploy sa Visayas Region partikular na sa Eastern Visayas ay para tumulong sa search, relief at rehabilitation mission at pagpapanatili ng peace and order.
Aniya, hindi trabaho ng mga pulis ang mag-selfie photo sa mga sitwasyon ng krisis lalo na at ang trabaho ng mga ito ay serbisyo publiko.
Samantala, idinagdag pa nito na posibleng palawakin rin ng PNP ang kanilang direktibang ipagbawal ang pagsi - selfie sa kanilang tauhan hindi lamang sa Visayas Region na sinalanta ni Yolanda kundi sa anumang mga krisis.
Binigyang diin pa ni Sindac na sinumang mga pulis na mahuhuling sumusuway sa nasabing kautusan ay isasalang sa kasong administratibo.
- Latest