MANILA, Philippines - Naging emosyonal si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa pagdinig ng Congressional Oversight Committee on the Philippine Disaster Risk Reduction and Management Council Act of 2010 sa Senado, kahapon.
Hindi napigilan ni Romualdez ang mapaiyak habang ikinukuwento sa komite ang naranasan at sinapit ng kanyang mga kababayan sa storm surge at bagyong Yolanda.
Tumulo ang luha ng alkalde habang ikinukuwento ang naging karanasan lalo na ng kanyang maybahay na si Councilor Cristina Romualdez at ng kanilang mga anak.
Muling iginiit ni Romualdez na nahaluan ng pulitika ang ginawang pagpasok ng national government sa relief at rescue mission matapos siyang sabihan ni Department of Interior and Local Government Mar Roxas na mag-ingat dahil isa siyang Romualdez samantalang isang Aquino ang Presidente.
Inihayag din ni Romualdez na tatlong araw bago pa lang ang paghambalos ng bagyong Yolanda ay nakahanda na ang kanilang pamahalaang local pero sadyang malakas ang bagyo at mataas ang tubig na dala ng storm surge.
Ikinuwento rin ni Romualdez na nagkita sila ni Presidente Aquino noong magpunta ito sa Tacloban pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ito.
Inihayag din ni Romualdez na hanggang sa kasalukuyan, wala pang natatanggap na tulong pinansiyal mula sa international community ang kanilang pamahalaang local bagama’t napapaulat na bilyon-bilyong piso na ang natatanggap ng pambansang pamahalaan.