MANILA, Philippines - Inutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang imbestigasyon sa mga sirkumstansiya ng pagkakaloob ng parole kay dating Batangas Governor Antonio Leviste na nakalabas na ng kulungan noong nakaraang linggo.
“Hindi ako masaya sa desisyon. Pinaiimbestigahan ko ang bagay na ito,†sabi sa pahayag ng Pangulo na ipinalabas sa pamamagitan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr..
Si Leviste ay nasentensiyahan ng Makati City Regional Trial Court noong Enero 14, 2009 ng parusang pagkabilanggo mula anim hanggang 12 taon dahil sa pagkakapatay niya sa kanyang kaibigan at aide na si Rafael de las Alas.
May mga ilang kundisyong nasunod sa paggawad ng parole kay Leviste, ayon sa ulat. Sinasabing nasilbihan na niya ang minimum niyang sentensiya na anim na taon bagaman, habang nakakulong siya, napapaulat na labas-masok siya sa kulungan.
Ikinunsidera rin ang katandaan dahil ang isang 73 anyos na tulad ni Leviste ay hindi na itinuturing na isang banta sa lipunan.
“Batid ng publiko na nakasuhan siya ng evasion of service of sentence. Sa evasion of service of sentence na ito, batay sa hatol ng Makati Metropolitan Trial Court Branch 62, idineklarang walang kasalanan sa kaso si Leviste at ang isang Nilo Solis de Guzman,†sabi ni Parole and Probation Administration head Manuel Co sa isang panayam sa ANC. Kinumpirma rin ng Department of Justice ang ulat.
Nang tanungin kung ipinarating na ni Justice Secretary Leila de Lima kay Aquino ang bagay na ito, isinagot ni Coloma na nais malaman ng Pangulo ang mga pangyayari sa likod ng pagkakaloob ng parole kay Leviste.
“Kailangan ng malalim na imbestigasyon kung bakit nagkaroon sila ng ganyang desisyon,†sabi pa ni Coloma.
Nakalaya noong Biyernes si Leviste kasama ang may 33 iba pang preso na nabigyan ng parole ng Board of Pardon and Parole.
Magugunita na nabuko din na labas-pasok sa kanyang kulungan noong 2009 sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa si Leviste na walang pahintulot ng korte at Bureau of Corrections hanggang sa masibak ang limang tauhan ng Bucor na nagsilbing escort ni Leviste.
Hindi ang tanggapan ng Pangulo ang nagkaloob ng parole kay Leviste kundi ang BPP na nasa ilalim ng pangangasiwa ni de Lima.
Samantala, nakatakdang kuwestiyunin ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang isang korte sa Makati sa pagbasura sa kasong “evasion of sentence†laban kay Leviste na natuklasang labas-pasok ito sa New Bilibid Prisons (NBP) noong 2011.
Sinabi ni VACC Chairman Dante Jimenez na isa sa katwiran ng Parole and Probation Administration ng Bureau of Corrections sa pagbibigay ng parole kay Leviste ang pagbasura ng Makati City Metropolitan Trial Court Branch 62 sa kasong “evasion of sentence†laban dito.
Una nang sinabi ng PPA na nakatugon sa pamantayan si Leviste na dapat magkaroon ng “good conduct†habang nakakulong, napunan na ang anim na taon sa 12 taong pagkakulong na hatol at kinunsidera rin ang edad nito na 73-anyos na.
Matatandaan na noong Mayo 2011 nadiskubre ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa loob ng kanyang opisina sa Makati City si Leviste. Nagresulta ang kontrobersya ng pagbibitiw sa puwesto ni dating BuCor Chief Ernesto Diokno at pagkakasibak sa lima pang opisyal.
Sinampahan ng kaso sa korte si Leviste ng “evasion of case†na may katapat na parusang pagkakulong mula dalawa hanggang anim na taong pagkakulong. Naibasura naman ang kaso dahil sa depensa ni Leviste na may basbas umano ang kanyang paglalabas-pasok sa kulungan para makapagpa-check-up siya sa kanyang mga manggagamot.
Dahil sa pagkakabaÂsura sa kaso, posible umaÂnong hindi ikinunsidera ng PPA ang paglalabas-masok sa kulungan ni Leviste, ayon sa VACC.
Suhestiyon pa ni Jimenez, dapat umanong ipaalam sa publiko ang pagsasagawa ng “public hearings†sa pagpapalaya sa mga kontrobersyal na bilanggo tulad ni Leviste upang alam ng tao at hindi nabibigla sa desisyon ng pamahalaan. Sinabi nito na “People of the Philippines†ang nakalagay na nagkaso kay Leviste kaya hindi dapat balewalain ang taumbayan sa pagpapalaya sa mga kahalintulad na mga bilanggo.