US nag-pullout na sa ‘Yolanda’

MANILA, Philippines - Nag-pullout na ang relief and humanitarian mission ng Amerika sa mga lugar na matin­ding sinalanta ng bagyong Yolanda partikular na sa Leyte at Samar.

Ito ang nabatid kahapon matapos na i-deactivate na ang US Joint Task Force 505 sa Camp Aguinaldo. Ang US ang nanguna sa 16 bansang kaalyado ng Pilipinas sa relief assistance at humanitarian mission sa mga lugar na tinamaan ng super typhoon mag-iisang buwan na ang nakalilipas.

Sa rekord ng US Embassy, nasa 66 aircraft, 12 barko at 13,400 troops ang ibinuhos ng Estados Unidos para mapabilis ang distribusyon ng mga relief goods sa mga pamil­yang naapektuhan ng matinding kalamidad sa Visayas Region noong Nobyembre 8.

Nasa 16 bansa rin ang sumaklolo sa Pilipinas na kinabibilangan ng Australia, Canada, India, Indonesia, Japan, Malaysia, Qatar, Russia, Singapore, South Korea, Sweden, Taiwan, Thailand, United Kingdom, Israel at Estados Unidos .

Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Vice Chief of Staff Lt. Gen. Alan Luga ang US contingent sa all-out support nito sa mga naapektuhan ng super bagyo sa Pilipinas.

Bukod sa US ay nag-pullout na rin ang Israeli troops na binubuo ng 148 contingent habang ang British Royal Forces ay mananatili para sa rehabi­litation at medical mission.

Naging krusyal sa relief operations ang pagsaklolo ng US military forces dahil sa pamamagitan ng kanilang “air drop” sa mga isolated areas ay nahatiran ng mga pagkain at malinis na maiinom ng tubig ang mga residenteng ilang araw ng nagugutom.

Aabot sa 2,495 toneladang relief supplies ang naideliver ng mga aircraft ng US.

 

Show comments