MANILA, Philippines - Naka-monitor ang pamahalaan sa nagaganap na karahasan sa Thailand at sinabing handang ipatupad ang anumang contingency plan sakaling tumindi ang sitwasyon upang matiyak ang seguridad ng libu-libong Pinoy na posibleng maapektuhan.
Inatasan ng Palasyo ang Department of Foreign Affairs (DFA) na tingnan ang kalagayan ng mga Pinoy sa nasabing bansa kasunod ng pagbabanta ng mga militant groups na patalsikin si Thailand Prime Minister Yingluck Shinawatra.
Pinauubaya na rin ng Malacañang sa DFA kung maglalabas ng mataas na alerto para sa seguridad at kaligtasan ng mga Pinoy sa Thailand.
Nagsimula ang karahasan noong nakalipas na linggo sa Thailand matapos na sumugod ang mga anti-government troops at nagtangkang pasukin ang mga government offices, TV stations at police stations upang puwershang ibaba sa puwesto si Yingluck.
Base sa report, may apat katao ang nasawi habang mahigit 100 ang sugatan sa pag-atake ng libu-libong nagpo-protesta nang paulanan ng mga bato at hagisan ng petrol bombs ang ilang tanggapan sa iba’t ibang lugar sa Bangkok.