US nagbabawas na ng puwersa sa ‘Yolanda’

MANILA, Philippines - Unti-unti ng nagbabawas ng puwersa ang Estados Unidos habang nagpu-pullout na ang iba pang mga bansa kaugnay ng humanitarian assistance at relief operations sa mga lugar na grabeng sinalanta ng bagyong Yolanda sa Visayas Region partikular sa Samar at Leyte.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, halos 15 araw ng nagsasagawa ng relief operations ang nasabing mga foreign forces at kahit paano ay nagbabalik na sa normal ang sitwasyon sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyo.

Una nang nag-pullout ang super carrier USS George Washington pero pinalitan ito ng USS Ashland at USS Germantown warship na tumutulong rin sa Leyte at Samar.

Paalis na rin sa Bogo City, Cebu ang Israeli forces na nagsagawa ng medical, disaster relief assistance at humanitarian missions.

Karamihan naman sa mga bagong pumapasok na puwersa ng mga dayuhang bansa ay mga medical team ng China at Australia.

Ang British troops ay may karagdagang mga engineering at medical /health services personnel na target magamot ang may sakit na survivors.

Paalis na rin ang US Air Force C130 plane na nakapagdeliver ng 1,100 air sorties o 2,000 toneladang relief goods sa Leyte at Samar.

Nasa 20,100 katao rin ang nailipad ng nasabing US C130 plane sa mga nag-exodus na residente ng Eastern Visayas partikular na sa Tacloban City at nakapaghatid rin ng 2,000 relief workers sa lungsod na pinakagrabeng nasalanta.

 

Show comments