PCSO charity ‘wag isabotahe

MANILA, Philippines - Sa panahong kaila­ngan ng pondo ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Leyte at Samar matapos ang isang mapaminsalang bagyo, sasampahan ng kasong kriminal ang Mayor ng Santiago City at ilang pulis na nan-raid at nagpasara sa isang outlet ng Bingo Milyonaryo sa lungsod.

Ayon kay Press Secretary Herminio Coloma, illegal ang pagpapasara sa naturang outlet ni Mayor Joseph Salvador Tan dahil ang prangkisa ng Bingo Milyonaryo ay “national” at hindi kailangan ang Mayor’s permit.

Malaki umano ang magiging epekto nito sa charity works ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) lalu na sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.

Ayon naman kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II sa panahong ito na may krisis, mahalaga ang bawat sentimo na kinikita ng mga PCSO outlets dahil ginagamit ito sa relief at rehabilitation effort upang mabilis na makabangon ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sinabi ni Atty. Freniza Joy Cacatian-Barangan, abogado ni Michelle Martinez na area 4 authorized retailer supervisor ng Bingo Milyonaryo, sinampahan nila ng kasong robbery with force at intimidation ang mi­yembro ng PNP-Santiago City matapos salakayin at kumpiskahin ang Bingo Milyonaryo cell machines at cell phones sa Centro East, Santiago City.

Ayon naman kay Jessa Carpio, outlet clerk ng Bingo Milyonaryo, 6 na pulis ng Santiago City PNP ang sumalakay sa kanilang outlet dakong alas-2:15 ng hapon noong Nov. 14 sa utos daw ni Mayor Tan.

Nang hingan ng court order o search warrant ni Atty. Cacatian-Barangan si Supt. Zaidee Dacu­lug, hepe ng pulisya ng Santiago, ay wala itong maipakita kundi sinabing utos lamang ito ni Mayor Tan sa kanila dahil wala daw mayor’s permit ang nasabing Bingo Milyonaryo.

Nakiusap naman si Supt. Daculug na huwag na silang idemanda dahil sumunod lamang sila sa utos ni Mayor Tan.

Kinausap din ng abogado ng Bingo Milyonaryo outlet si Assistant City Legal officer Francisca Yasay upang linawin ang pangyayari hanggang sa sabihin ng legal officer na hindi daw inaprubahan ni Mayor Tan ang operasyon ng Bingo Milyonaryo dahil hindi daw nag-courtesy call ito sa kanya gayung malinaw na nagpadala pa ng sulat ang Bingo Mil­yonaryo sa alkalde noong Oct. 18, 2013 upang humingi ng oras para sa kanilang courtesy call.

Show comments