MANILA, Philippines - Natangayan ng mahigit sa P200,000 halaga ng salapi ng armadong grupo ang anak ng isang resort owner at isa pang kasamahan nito matapos na magpanggap ang mga suspek na kliyente sa lungsod Quezon, iniulat kahapon. Ang mga biktima ay kinilalang sina Jen Peñaflor, 37, anak ng may-ari ng resort at Arem Miciano, 34, isang proÂperty consultant.
Nakuha kay Peñaflor ang dalawang Samsung S4 cellphones P60,000, isang iPad mini P20,000, isang LenoÂvo laptop P30,000, isang hard drive P3,000, P25,000 cash, $200, P45,000 mula sa tatlong ATMs, alahas P5,000 at isang credit card. Habang kay Miciano naman ay natangay ang isang Burberry watch P20,000, isang Armani wristwatch P25,000 at P5,000 cash.
Ayon kay PO2 Michael Tan, imbestigador, nangyari ang insidente ganap na alas-11:30 ng umaga kamakaÂlawa habang sakay ang mga biktima sa Hyundai Tucson (TIY-765) ni Miciano, sa kahabaan ng Esteban Abada St. ng nasabing lungsod.
Nabatid na si Peñaflor ay anak ng isang may-ari ng resort sa Guinobatan, Albay.
Bago ito, Nov. 21, isang lalaki na nagpakilalang si Daniel Reformina ang tumawag kay Peñaflor at nagkunwaring kliyente.
Nagtakda ng meeting ang lalaki kay Peñaflor ganap na alas-10:20 Linggo ng umaga sa isang sangay ng Starbucks sa Trinoma mall na pinuntahan naman ng huli.
Kasunod nito, hinikayat ng lalaki ang biktima na kaÂtagpuin ang kanyang boss na nasa isang lugar sa Kalayaan Avenue para isa-pinal ang kanilang kasunduan kabilang ang downpayment.
Pumayag naman si Peñaflor, sakay ng Hyundai Tucson, kasama si Miciano at suspek, nagpunta sila sa isang sangay ng McDonald sa kahabaan ng Katipunan Avenue at pagsapit sa lugar ay bumaba sa sasakyan ang suspek na si Reformina.
Dito ay naghinala na ang dalawang biktima sa suspek na agad namang bumalik sa sasakyan at sinabihan silang dalhin siya sa susunod na lugar ng Alvero corner Esteban Abada Streets. Pagsapit nila sa nasabing lugar, bigla na lamang tinutukan ng suspek ang mga biktima saka biglang sumakay ang tatlo pang kasamahang lalaki ng una sa sasakyan.
Sabi ni Tan, ang dalawang biktima ay pinalipat pa ng mga suspek sa likurang upuÂan saka pinayuko, habang ang isa sa mga suspect ang nagmaneho ng Tucson. Habang isinasagawa ang pagnanakaw, nagawa pa ng mga suspek na pagwithdrawin ng perang P45,000 cash si Peñaflor mula sa kanyang ATM.
Matapos ito ay iniwan na lang ng mga suspek ang mga biktima at ang sasakyan sa may kahabaan ng Esteban Abada St. at inutusang huwag kikilos sa loob ng 30 minuto.