MANILA, Philippines - Nagsimula na ang konstruksiyon ng bunkhouses na magsisilbing temporary shelter ng mga apektadong pamilya sa Tacloban City at Palo, Leyte.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, bukod sa Tacloban at Palo, nagpapatuloy na rin ang pagtatayo ng mga bunkhouse unit sa Basey at Marabut sa Lalawigan ng Samar.
Sinimulan na ang footing excavation para sa mga bunkhouse units sa Barangay Abucay sa Tacloban, gayundin sa Government Center area sa Baras, Palo.
Tinatayang aabot sa 2,400 pamilya ang makikinabang mula sa mga bunkhouses project.
Ang itinatayong bunkhouse ng DPWH ay gawa sa coco lumber wooden frame, ang bubong ay gagamitan ng galvanized iron sheet ang dingding at flooring ay mula sa plywood.
Magkakaroon ang isang bunkhouse ng common toilet at kitchen. Hahatiin sa 24 na units ang bawat lugar ay may sukat na 8.64 square meters na sapat lamang para sa isang pamilya na may limang miyembro.