MANILA, Philippines - Tiniyak ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes na all systems go na para sa idaraos na halalan sa Bohol at Zamboanga City ngayong Lunes.
Ang paniniyak ay ginawa ni Brillantes, kung saan sinabi nito na naka-ready na ang lahat tulad ng mga election paraphernalia, polling precinct, gayundin ang mga guro na magsisilbing election staff.
Nakapagpakalat na rin ng daan-daang pulis ang Philippine National Police ngunit nilinaw na walang banta sa seguridad ng halalan.
Sinabi ni Brillantes na ginawa ang pagpapakalat ng mga pulis para lamang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang special elections.
Sina Comelec Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph ang mangangasiwa ng special barangay polls sa Bohol habang si Brillantes at Commissioners Al Parreno at Grace Padaca sa Zamboanga City.
Nabalam ang barangay elections sa Bohol matapos salantain ng magnitude 7.2 lindol noong October 15. Hindi naman natuloy ang nasabing eleksiyon sa Zamboanga City matapos na sakupin ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni dating ARMM Gov. Nur Misuari.