Pinas nakabawi sa pagkapanalo ni Pacquiao

Hindi natinag ng malakas na buhos ng ulan ang libong Pinoy at tuloy pa rin sa panonood ng laban ni Manny Pacquiao kontra kay Brandon Rios sa Marikina City Hall kung saan nagwagi ang pambansang kamao. (BOY SANTOS)

MANILA, Philippines - Muling nakabawi ang Pilipinas sa mga malulungkot na trahedya at kontrobersiyang kinasasangkutan ng bansa sa pagkakapanalo ni Peoples Champ Manny Pacquiao kay Brandon Rios.

Ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga,sa wakas ay nagkaroon na rin ng magandang balita sa Pilipinas matapos ang malulungkot na trahedya tulad ng Zamboanga siege at pork barrel scam na sinundan pa ng mala­kas na lindol sa Bohol at Cebu at ang pananalasa ng bagyong Yolanda sa Leyte, Samar at Panay island.

Paliwanag pa ng mambabatas, nasa ti­ming lang ang pagkakapanalo ng kongresista mula sa Sarangani para maka-recover naman ang Pilipinas sa sunud-sunod na problemang dinaanan nito.

Umaasa naman si Barzaga na sa Pilipinas na gagawin ang susunod na laban ni Pacquiao dahil kung ang maliit umano na bansa tulad ng Macau ay nakakapag-host ng laban ng peoples champ ay maaaring kayanin din ito ng Pilipinas.

Sa ganitong paraan din umano ay magbibigay ito ng pagkakataon sa mga fans ni Pacquiao na mapanood ng personal ang laban nito bukod pa dito ang pagdagsa ng mga turista sa bansa.

 

Show comments