Patay sa Yolanda aabot pa rin sa 10,000?

MANILA, Philippines - Nagkakaroon ng pangamba sa kasalukuyan na baka nga tuluyang umabot sa 10,000 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa bagyong Yolanda sa pagtaas nito habang patuloy na nadadagdagan ang nakukuhang mga bangkay sa iba’t-ibang lugar na tinamaan ng kalamidad.

Ayon sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon,  umaabot na sa mahigit P22 bilyon ang halaga ng nawasak na mga ari-arian habang tumaas na rin sa 5,235 ang naitalang bilang ng namatay na mamamayan, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario na nasa 23,501 katao rin ang nasugatan habang nasa 1,613 pa ang patuloy na pinaghahanap.

Ang bagyong Yolanda na tumama sa Central Philippines partikular na sa Tacloban City, Leyte at iba pang bahagi ng lalawigan gayundin sa Samar ay pinakamalakas na bagyo sa buong mundo.

Ang kabuuang death toll na 5,235 katao na naitala ng NDRRMC ay inaasahang tataas pa dahil hindi pa dito kabilang ang narekober na kabuuang 1,841 na nakuha ng Task Force Cadaver sa Tacloban City mula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 22 .

Sa nasabing bilang na nairekord ng NDRRMC, karamihan rito ay mula sa Leyte at Samar na nasasaklaw ng Eastern Visayas Region.

Kung ita-‘tally’ ang nasabing bilang ng mga nakuhang  bangkay ay aabot na ang death toll sa 7,076 at dito’y hindi pa kabilang ang nakuha ng Philippine Navy na 572 bangkay na lumulutang sa Tacloban Bay at maging ang marami pang mga bangkay na inilibing na ng mga residente sa kani-kanilang mga lugar.

Ang bagyong Yolanda ay nakaapekto sa 2,157,529 pamilya o kabuuang 10,009,000 katao sa may 10,724 barangay sa 44 lalawigan. Sa nasabing bilang ay nasa 74,842 pamilya o kabuuang 347,426 katao ang nanatili sa 1,382 evacuation centers.

Naitala naman sa 552,419 bahay ang nasira ng super bagyo habang nasa 560,312 ang nagtamo ng pinsala.

Iniulat rin ng NDRRMC na naibalik na ang supply ng kuryente sa Ormoc City, Leyte na bukod sa Tacloban City ay isa rin sa grabeng nasalanta ni Yolanda.

 

Show comments