Yolanda evacuees inilipat sa Camp Aguinaldo

MANILA, Philippines - Pansamantalang inilipat kahapon sa Camp Aguinaldo ang mahigit 2,000 evacuees ng bagyong Yolanda na nanunuluyan sa Villamor Air Base sa Pasay City.

Ito’y matapos na makabanggaan umano ng mga volunteers na nag-aasikaso sa mga evacuees ang ilan sa Air Force Ladies Club o mga asawa ng mga heneral at iba pang opisyal na tumututol sa magulong presensya ng mga kinauukulan sa lugar.

Ang mga evacuees na mula Leyte at Samar ay inilipat sa compound ng Joint Standing Task Force na pinamumunuan ni Brig. Gen. Manuel Gonzales sa loob ng Camp Aguinaldo.

Ayon sa ulat, nagtaray umano ang ladies club sa mga volunteer groups na umaalalay sa mga bagong dating na evacuees na pinagmulan ng kalituhan sa naturang isyu.

Ang biglaang pagpapalipat sa mga evacuees ay umani ng pagtutol mula sa DSWD, Philippine Red Cross at iba pa.

Nagkaroon din ng konting kalituhan sa pag­lilipat sa mga evacuees sa Camp Aguinaldo matapos na umano’y mabigo si  Gonzales na ipaalam ito kaagad kay AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista na nabigla pa sa isyu.

Samantala, nakakatutok na ngayon ang Malacañang sa rehabilitation at rebuilding ng mga lalawigang sinalanta ng bagyong Yolanda habang ang mga alkalde at municipal disaster management ang namamahala na para sa relief operations.

 

Show comments