MANILA, Philippines - Tumaas na sa anim na pulis ang nasawi habang nasa 109 pa ang unaccounted o nawawala sanhi ng matinding hagupit ng super bagyong Yolanda.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief P/Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, kabilang sa mga nasawi ay dalawa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 8 at ang apat ay mula sa territorial forces.
Bukod dito ay marami ring mga pulis ang nasu-gatan sa Samar at Leyte.
Una ng napaulat ang pagkamatay ng dalawang pulis habang daan pa ang nawawala.
Inihayag ni Sindac, sa Tacloban City nasa 32 pulis pa ang unaccounted hanggang sa kasalukuyan at nasa 256 na ang nakapag-report sa trabaho.
Sa Leyte, 26 pulis ang nawawala, Eastern Samar, 8; nasa 21 sa Northern Samar at 14 sa Western Samar.
All accounted na rin ang tatlong units ng PNP Regional Public Safety Battalion sa Biliran at Ormoc City Police.
Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) 99% na sa ngayon ang accounted sa buong police force sa Region 8 kabilang na ang Tacloban City.