Natumbang puno ng niyog gagawing bahay ng survivors

MANILA, Philippines - Upang mapakinaba­ngan ang mga natumbang puno ng niyog sa Eastern Samar ay gagawin na lang itong mga coco lumber upang magamit sa pagpapatayo ng mga bahay ng mga nabiktima ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, nakipag-usap na siya kay Agriculture Secretary Proceso Alcala at Philippine Coconut Authority Administrator Euclides Forbes para magpadala ng maraming chainsaw at agad na magawang coco lumber ang mga puno ng niyog na natumba upang maipagawa ng bahay.

Kailangan umanong magawa agad ito dahil kung matatagalan pa ay baka mabulok ang mga natumbang puno ng niyog ay mabahayan ng mga insekto na mas mala­king problema para sa mga survivors ng bagyo.

Sa pamamagitan nito ay magkakaroon na rin ng trabaho ang mga residente dito dahil ang mag- o-operate ng chainsaw ay babayaran ng P300 kada araw.

Napagkasunduan din na magkaroon ng massive replanting ng niyog sa Eastern Samar para magkaroon muli ng kabuhayan ang mga residente ng lalawigan. Sa bawat magtatanim naman ay babayaran ang mga ito ng tig-P40 kada punong maitatanim.

Show comments