MANILA, Philippines - Nagsampa ng tatlong magkakahiwalay na reklamong plunder at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act ang Field Investigation Office (FIO) laban sa mga Senador na sina Juan Ponce Enrile, Ramon “Bong†Revilla Jr., Jose “Jinggoy†Estrada.
Ang mga naturang respondents ay nahaharap din sa kasong administratibo, tulad ng serious dishonesty, grave misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ang reklamong administratibo laban sa mga Senador na sina Estrada, Revilla at Enrile, ay ini-refer sa Senate Ethics Committee na may administrative disciplinary jurisdiction sa mga miyembro ng Senado, para sa kaukulang aksyon.
Ang FIO ang inatasang magsagawa ng imbestigasyon sa PDAF scam noong July 2013 nang simulan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang isang fact finding investigation bilang tugon sa news reports ni whistleblower Benhur Luy na nagbunyag sa pork barrel scam.
Sinasabing ang FIO ay nakalikom ng maraming bilang ng dokumento at panayam sa may 1,500 testigo sa mahigit sa 100 siyudad at munisipalidad sa 39 probinsya sa buong bansa.
Pinasalamatan naman ni FIO assistant Ombudsman Joselito Fangon ang kooperasyon ng NBI, ang Department of Justice (DOJ) witness protection, Security and Benefit Program officers, ang Commission on Audit (COA) at iba pang miyembro ng Inter-Agency Anti Graft Coordinating Council (IAAGCC) sa proseso ng pag-scan sa buong ebidensiyang makukuha sa buong bansa.
Ang FIO complaints ay itatalaga sa Special Panel of Investigators ng Ombudsman na magsasagawa ng preliminary investigation at administrative adjudication para sa consolidation kasama ang unang set ng reklamo ng NBI noong Sept. 16, 2013.