Ex-Mayor tinaguriang bayani Isla sa Cebu na wipe-out, 1,000 katao nasagip

MANILA, Philippines - Umani ng papuri mula sa United Nations at international media ang isang dating alkalde sa San Francisco, Cebu dahil sa pagiging maagap nito at pagsagip sa may 1,000 mamamayan na nakatira sa isang maliit na isla  sa lalawigan na halos ‘binura” na sa mapa ng bagyong Yolanda.

Ayon sa report ng UN, lahat ng mga residente sa Tulang Diyot Island na sakop ng bayan ng San Francisco ay nakaligtas bagaman ang kanilang 500 kabahayan ay winasak ng malakas na hangin at alon mula sa dagat dahil sa super typhoon.

Sinabi sa ulat ng UN Office for Disaster Risk Reduction na bagaman wipe-out ang mga kabahayan, isang araw pa lamang bago manalasa ang tinaguriang “mons­ter typhoon” ay nakalikas na ang may 1,000 residente sa isla base sa kautusan ni dating San Francisco Mayor Alfredo Arquillano na tinagurian ngayon ng international news BBC na isang bayani.

Matapos na ianunsyo ng PAGASA ang pagdating ni ‘Yolanda’, agad na isinagawa ang evacuation sa mga residente sa isla upang matiyak ang “zero ca­sualty” alinsunod sa panawagan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Matapos na maging klaro kay Arquillano na isang napakalakas na bagyo ang mananalasa sa kanilang lugar ay agad niyang personal na pinuntahan at pinalikas ang mga residente ng Tulang Diyot  na ngayon ay nasa evacuation site sa San Francisco.

Ang Tulang Diyot na may 1.5 kilometrong haba at 500 metrong lawak ay bahagi ng Camotes islands sa lalawigan ng Cebu na malapit sa Leyte.

 

Show comments