Pulitika dahilan ng mabagal na relief goods sa Leyte

MANILA, Philippines - Pulitika at red tape umano ang nagiging dahilan kayat marami pa ring mga biktima ng super typoon Yolanda sa Leyte ang hindi nabibigyan ng relief goods.

Ayon kay 4th district Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez, dahil sa pulitika at red tape ay nakokompromiso ang pamamahagi ng relief goods sa western portion ng kanilang lalawigan na lubhang sinalanta ng nasabing bagyo.

Dahil dito kayat hindi pa rin nakakarating sa kanyang distrito ang relief goods habang ang kanyang mga constituents ay  nanghihina na dahil sa gutom.

Paliwanag pa ni Torres-Gomez, bagamat malaking problema talaga ang kabagalan ng pagde-deliver ng mga relief goods ay nakakadagdag pa dito ang pakikialam ng ilang opis­yal sa kabila ng mahirap nilang sitwasyon.

Bukod sa mabagal na pagdadala ng kailangan sa kanilang lalawigan ay maproseso din pagdating ng relief goods.

Ito ay dahil itini-turn over pa umano ang relief goods sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gumagawa naman ng sistema subalit ang dami na umanong naghihintay bago pa maipamigay.

Giit ng mambabatas, umiiral pa rin ang pulitika dahil hindi maipamigay ng DSWD ang relief goods kapag walang utos ng Mayor o kung walang endorsement ay hindi ito maaaring ipamigay.

Inihalimbawa ng kongresista ang kwento ng isang barangay councilor na humihingi ng relief goods upang maipamigay sa kanyang mga constituents subalit ipinagtabuyan ito dahil sa pulitika.

“This is the reality - inu­una muna ‘yung mga kakampi, inuuna muna ‘yung mga kakilala,” ayon kay Torres-Gomez.

 

Show comments