MANILA, Philippines - Mahigit sa 3,000 nasawi sa super bagyong Yolanda ang hindi pa rin makilala hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, sa 3,633 bangkay na narekober ng mga awtoridad ay nasa 3,017 ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Ang 3,017 mga hindi pa nakilalang bangkay ay nakuha ng search and retrieval team sa Leyte kung saan ang pinakamarami ay sa Tacloban City na umaabot sa 696 bangkay; Dulag, 675 bangkay at 600 pang labi mula naman sa bayan ng Tolosa at Tanauan.
Ang Eastern Samar ay nakapagtala naman ng 221 patay; 190 sa Samar at apat sa Biliran. Ang iba pang nasawi ay sa Western Visayas , 113; Central Visayas, 74; Bicol, 5; Calabarzon, 2; Mimaropa, 5; Zamboanga Peninsula, 1 at Caraga, 1.
Nasa 1,000 pa ang nawawala sa Tanauan, Leyte at 119 ang pinaghahanap rin sa lima pang bayan ng Leyte, 5 sa Eastern Samar at isa sa Samar.
Samantala, sinimulan na ng DOH, WHO at NBI ang quick system na binubuo ng mga forensic expert para sa mabilis na pagkilala sa mga bangkay.
Gayunman, hindi pinapayagan ang public viewing bagamat ang mga kamag-anak ng mga ito ay maaaring pahintulutang makilahok sa final identification ng mga bangkay sa itatakdang panahon.
Bawat grupo ay hahawak ng 40-bangkay kada araw, kung saan ang mga larawan, mga palatandaan, gamit at mga DNA samples ng bawat bangkay ay kokolektahin upang mapadali ang pagkilala sa kanila.
Matapos ang identification procedure sa mga bangkay, ay pansamantala silang ililibing, alinsunod sa protocol.
Umapela naman si Health Secretary Enrique Ona sa publiko na maÂging mapagpasensiya at maunawain dahil ang final identification ng mga bangkay ay maaari aniyang magtagal.
Iginiit rin ni Ona na mahalagang mailibing ang mga patay ng may dignidad.
Kasabay nito, muli ring iginiit ng DOH na walang dapat na ipangamba ang publiko sa mga naturang bangkay dahil hindi naman ito magiging sanhi ng epidemya.
Paliwanag ng DOH, ang mga infectious germs ay hindi magsu-survive sa isang bangkay ng lampas sa 48-oras.
Maaari rin naman umaÂnong magsuot ng gwantes ang mga body handlers sa paghawak ng mga bangkay at maghugas ng mabuti ng kanilang kamay bilang precautionary measures.