Libong evacuees sa Tacloban dumaragsa sa Cebu, MM
MANILA, Philippines - Libu-libong nagugutom na evacuees mula sa Tacloban City ang dumaragsa na sa Cebu at Metro Manila.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Spokesman Col. Miguel Ernesto Okol, mahigit 2,000 survivors ang inilikas nila lulan ng C-130 plane at dinala sa Metro Manila.
Nag-eexodus ang mga survivors sa Tacloban City at nakikipag-agawan sa pagsakay sa C-130 upang makaalis na sa lugar bunga ng hirap na kanilang dinaranas matapos ang matinÂding hagupit ng bagyo noong Nobyembre 8.
Ayon kay Okol, tatlong C130 plane ng PAF at anim na C130 ng US Armed Forces para tumulong sa relief operations ang kanilang ginagamit.
Sa Cebu City ay nasa 3,000 survivors mula sa Tacloban City ang dumating dito. Anila, kung hindi pa sila aalis ay baka mabuwang na umano sila o mabaliw.
Nabatid na ang naturang mga survivors ay sumakay ng mga barko ng Philippine Navy kabilang dito ang LC 551, isa sa pinakamalaking barko ng hukbong dagat at ang mga evacuees ay dumagsa naman sa pier ng Cebu.
Nakahanda naman ang pamahalaang lokal ng Cebu na tumulong sa mga evacuees mula sa Leyte at Samar bilang pakikisimpatiya sa sinapit ng mga itong matinding trahedya.
- Latest