Walang tax sa relief goods - BIR

MANILA, Philippines - Hindi papatawan ng buwis o donor’s tax ang mga donasyon para sa mga biktima ng bagyo kung ito ay idadaan sa accredited agencies ng gobyerno sa bansa.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, na alinsunod sa Tax Code, hindi papatawan ng duties o buwis ang mga donasyon na manggagaling sa ibang bansa kung ang mga ito ay idadaan sa DSWD, NDRRMC o sa mga grupo na accredited ng gobyerno. Pero kailangan umano na dokumentado ang mga donasyon.

Libre rin umano mula sa Value Added Tax o VAT ang mga nasa­bing donasyon dahil ang bayarin para rito ay sasaluhin ng national government sa pama­magitan ng tax expenditure fund.

Niliwanag ni He­nares na kung galing ang donasyon sa abroad, kailangan itong i-donate sa relief organizations na accredited ng DSWD.

Ipinaliwanag din ni Henares ang pinaiiral na panuntunan sa ilalim ng Tax Code kaugnay sa mga negosyo na sinalanta rin ng bagyong Yolanda.

Kung ang nawala sa isang negosyante ay ginagamit sa negosyo at hindi naka-insured, maari siyang magdeklara ng deduction sa kanyang income tax.

Kung ang negosyo umano ay sakop ng insurance coverage at ang nawala sa negosyo ay binayaran nang buo ng insurance company, hindi ito kwalipikado para sa tax deduction.

Pero kung hindi binayaran nang buo ng insurance company ang casualty losses na tinamo ng negosyante, iyon lamang hindi sinaklaw ng insurance company ang dapat niyang ideklara sa deduction at dapat na malibre sa pagbabayad ng buwis.

 

Show comments