MANILA, Philippines - Gumagawa na ng paraan ang Department of Foreign Affairs upang maiÂsalba ang buhay ng isa pang OFW na si Carlito Lana na nakatakda ring bitayin anumang araw ngayong buwan dahil sa pagpatay sa kanyang amo sa Saudi Arabia noong Disyembre 2010.
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, sa kabila ng pahayag ng DFA na ayaw tumanggap ng blood money ang pamilya ng biktima, naglalatag pa rin sila ng representasyon upang mahimok ang mga ito na pagbigyang makaligtas sa kamatayan ang nasabing Pinoy.
Sa rekord ng DFA, si Lana ay nagtungo sa Saudi noong 2008 bilang utiÂlity boy sa isang hotel sa Riyadh subalit nag-iba ng employer noong 2010.
Dahil dumanas ng pagmamaltrato at pang-aabuso sa kamay ng huling employer ay nagpaalam siya na aalis matapos ang tatlong buwan na pagliÂlingkod na ikinagalit umano ng amo.
Naging marahas umano ang nasabing employer nang sabihin ni Lana na pupunta siya sa embassy hanggang bunutan siya ng baril, ayon na rin sa kanyang ina sa isang panayam sa telebisyon.
Sinabi pa ng pamilya ni Lana na self-defense ang nangyari dahil tinangkang barilin ng kanyang amo si Carlito at pilit na pinatatakbo sa disyerto hanggang sa maagaw nito ang baril at mabaril ang amo.
Bukod sa liham na ipinadala ng pamilya Lana sa pamilya ng biktima, sumulat na rin sila kay Saudi King Abdullah upang umapela na sagipin sa bitay ang nasabing OFW.