MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Albay Gov. Joey Salceda sa lahat ng mga kinauukulan dito ang puspusang paghahanda laban sa kinatatakutang pananalasa ni super typhoon Yolanda na inaasahang dadaan sa pagitan ng Southern Luzon at Kabisayaan hapon ng darating na Biyernes, Nobyembre 8.
Binilinan ni Salceda ang lahat ng lungsod, bayan at mga barangay dito na gawin ang lahat para muling matupad ang “Zero Casualty†o walang mamamatay sa lalawigan sa pamamagitan ng “preemptive evacuation†o maagang paglikas kung kailangan.
Si Typhoon Yolanda na dating kinilala ng PAGASA na TD 31, ay itinuturing na “Monster super typhoon dahil sa lakas ng hangin nito na umaabot sa 222 kilometro bawat oras. Sinusubaybayan ngayon ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ang lahat ng paghahanda ng lalawigan sa pagdating nito.
At dahil sa ang bagong halal na mga opisyal ng barangays ay magsisimula sa kanilang panunungkulan sa Nob. 30 pa, ipinag-utos din ni Salceda sa dati at nanunungkulan pang mga opisyal na makipagtulungan sila sa mga papalit sa kanila upang matiyak ang tagumpay ng layuning “No Casualty†ng lalawigan.