Signal no. 1 sa bagyong ‘Wilma’ itinaas sa 15 lugar

MANILA, Philippines - Nananatili ang lakas ng bagyong ‘Wilma’ habang papalapit sa  CARAGA region.

Alas-11:00 ng umaga kahapon, namataan ng PAGASA ang  naturang bagyo sa layong 75 kilometro ng hilaga hilagang-silangan ng Hinatuan City.

Taglay  ng bagyong ‘Wilma’  ang  lakas ng hangin na umaabot sa  55 kilometro kada oras malapit sa gitna at kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.

Bunga nito, nakataas ang signal number 1 sa Ka­timugang bahagi ng Negros Occidental, Katimugang bahagi ng Negros Oriental, Southern Cebu, Siquijor, Bohol,  Southern Leyte sa Visayas   gayundin sa   Dinagat Island, Surigao Del Norte kasama ang Siargao Island, Surigao Del Sur, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin Island at  hilagang bahagi ng Zamboanga Del Norte sa Mindanao.

Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang lugar na mag-ingat  sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon kay Manny Mendoza, weather forecaster  ng PAGASA, inaasahan nilang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang  bagyo  sa Huwebes.

Isa pang  paparating na bagyo ang namataan ng PAGASA at kapag tuluyang pumasok sa PAR ay tatawagin itong  bagyong  Yolanda.

Show comments