MANILA, Philippines - Humingi muli ng palugit ang Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia para makalikom ng kabuuang apat na milÂyong Saudi Riyal (SAR) o P45 milyong blood money para masagip sa parusang bitay ang nakakulong doon na Overseas Filipino Worker na si Joselito Zapanta.
Isinagawa ng pamahalaan ang kahilingan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs para hilingin sa pamahalaang Saudi at sa pamilya ng Sudanese national na napatay ni Zapanta na palawigin pa ang taning para sa pagbabayad ng blood money. Natapos kahapon ang naunang taning na kulang pa ang nalilikom na pera.
Sinabi ni DFA Spokesman Raul Hernandez na ang embahada ng Pilipinas sa Riyadh ay bumuo na ng representasyon sa embahada ng Sudan sa Saudi at sa pamilya ng biktima para pakiusapang magbigay ng bagong paÂlugit.
Bigo ang pamahalaan at pamilya ni Zapanta na maibigay ang nasabing halaga dahil umaabot pa lamang sa SAR 520,831 o P6 milyon ang nalilikom mula sa nasabing halaga.
Bukod sa bagong palugit, hinihiling din ng Philippine Embassy sa pamilya ng napatay na Sudanese na mapababa ang halaga ng blood moÂney. Nauna nang pumaÂyag ang pamilÂya ng biktima na ibaba sa 4 milyon SAR mula sa dating 5 milyong SAR ang hinihinging blood money.