Extension sa illegal OFWs sa Saudi hirit
MANILA, Philippines - Umapela si Vice President Jejomar Binay sa hari ng Saudi Arabia na magbigay ng panibagong extension para sa mga undocumented overseas Filipino workers upang maitama ang kani-kanilang working status sa kingdom.
Binigyang-diin ni Binay sa kanyang sulat kay Saudi King Abdullah Bin Abdulaziz Al Saud na marami pang OFWs ang nagnanais na maiayos ang kanilang employment status at maging legal na manggagawa sa Saudi subalit marami rin sa kanila ang bigo na ma-meet ang Nov. 3 deadline.
Sa kanyang liham, pinasalamatan ni Binay ang Saudi King sa una nitong ibinigay na extension sa lahat ng foreign workers kabilang na ang mga OFW upang maitama ang kanilang mga dokumento at pananatili sa Saudi.
Sa kabila ng nasabing extension na magtatapos sa Nobyembre 3, nabatid sa huling pahayag ni Ambassador Ezzedin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na may mahigit isang libo pang OFWs ang nananatiling hindi dokumentado.
Una nang inianusyo ng Saudi Foreign Ministry ang 3-months reprieve mula Hulyo 3 hanggang Nob. 3 na ibinigay ni King Abdullah para sa mga dayuhang manggagawa upang mabigyan ng pagkakataon ang mga foreign workers na ma-correct ang kanilang immigration at labor status o kaya ay umalis sa Saudi.
Pinangangambahan na pagkatapos ng deadline ay sisimulan na ang pag-aresto sa mga illegal foreign workers kasama na ang mga undocumented OFWs na hindi aalis sa Saudi.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs, umaabot na sa 4,111 Pinoy ang napauwi ng pamahalaan bunsod ng ipinatutupad na bagong polisiya sa Saudi habang may 1,716 ang nag-aantabay pang makauwi sa bansa.
Sinimulan ang crackdown sa mga illegal foreign workers sa Saudi noong Marso 28, 2013 dahil sa mahigpit na implementasyon ng kanilang nitaqat o Saudization policy.
- Latest