Nagmamaneho ng nakainom target ng MMDA

MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga bus operators sa pagbabantay sa kanilang mga tsuper laban sa pagmamaneho ng nakainom ng alak maging ang mga pribadong motorista na uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Undas.

Ito ay makaraang magsagawa kahapon ng “breath analysis” ang MMDA sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City at sa Pasay City.

Sa Araneta Bus Terminal, sa 10 isinalang sa “random breath analyzer”, walang nagpositibo sa mga driver. Gayundin sa mga isinailalim sa pagsusuri sa mga tsuper    at konduktor sa mga bus terminal sa Pasay City.

Maganda umanong panimula ito sa target na ligtas na pagbiyahe ngunit tiniyak ng MMDA na muli silang magsasagawa ng sorpresang “breath analyzer tests” para hindi maging kampante ang mga driver.

Pinaalalahanan din ang mga pribadong motorista      na umiwas muna sa pag-inom ng alak at maging ang mga may hang-over kung bibiyahe upang matiyak na nasa maayos na kundisyon ang katawan sa pagmamaneho.

Dumagsa na rin ang tao sa mga bus terminal sa Quezon City at Pasay bagama’t hindi gaanong marami kumpara noong nakaraang taon dahil sa marami nang mga pasahero ang nagtungo sa kanilang mga lalawigan noong araw ng Barangay Elections.

Show comments