Huling biyahe ng LRT 1 mas maaga ngayong Undas

MANILA, Philippines - Maagang tatapusin ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 ang huling biyahe nito ngayong Undas.

Ayon kay LRT Administration spokesman Hernando Cabrera, ang huling biyahe ng LRT-1 para sa Nob­yembre 1 at 2 ay hanggang alas-9:00 lamang ng gabi mula sa Roosevelt at alas-9:30 ng gabi mula sa Baclaran.

Gayunman, wala umanong magiging pagbabago sa schedule ng LRT Line 2.

Ang LRT-1 na nag-uugnay sa Roosevelt sa Quezon City patungong Baclaran sa southern Metro Manila ay nagsisimula ng biyahe sa weekdays ng alas-5:00 ng madaling araw at ang huling tren nito ay umaalis ng Baclaran patungong Roosevelt ng alas-9:30 ng gabi habang ang huling biyahe mula Roosevelt patungong Baclaran ay alas-10:00 ng gabi.

Sa weekends naman, ang huling biyahe ng tren ay umaalis ng Baclaran patungong Roosevelt ng alas-9:00 ng gabi habang alas-9:30 ng gabi kung mula sa Roosevelt patungong Baclaran.

Ang operasyon naman ng LRT-2 ay nagsisimula ng alas-5:00 ng madaling araw kung saan ang huling tren nito mula sa Santolan patungong Recto ay umaalis ng alas-9:30 ng gabi at ang huling tren naman mula Recto patungong Santolan ay umaalis ng alas-10:00 ng gabi.

Ang LRT-2 ang nag-uugnay sa C.M. Recto Avenue sa Maynila sa Santolan sa Pasig City.

Show comments