MANILA, Philippines - Narekober na ang katawan ng 38-anyos Pinoy welder na nahulog sa oil platform sa Gulf of Mexico sa Estados Unidos noong Linggo.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na natagpuan na ng mga divers ng US Coast Guard ang labi ng OFW na si Peter Jorge E. Voces, welder ng Offshore Specialty Fabricator LLC na nakabase sa Houma, Louisiana nitong Martes ng umaga.
Tiniyak ni DFA Spokesman Raul Hernandez sa pamilya ni Voces na agad na isasaayos ng Konsulado ang pagpapauwi sa mga labi ng nasabing OFW at makuha ang kaukulang mga benepisyo sa employer nito.
Aksidenteng nahulog si Voces sa dagat na may 100 talampakang lalim matapos umano siyang tamaan ng bumagsak na walang laman na tank barrel dakong alas-7:30 ng gabi noong Linggo habang nasa taas ng oil rig sa Vermillion Block 200, may 55 milya ang layo sa timog ng Freshwater Bayou at pag-aari ng Energy Resource Technology, isang subsidiary ng Talos Energy na nakabase sa Houston.
Sinabi ng kinatawan ng Talos Energy, si Voces ay miyembro ng derrick barge crew na naatasang mag-dismantle ng isa sa mga platform sa nasabing lugar.
Nabatid sa Embassy welfare officer na isang rehistradong overseas worker si Voces na itinalaga bilang welder o fitter ng 88 Aces Maritime Services, isang manning company sa Manila.
Si Voces ang ikaapat na Pinoy na nasawi sa Gulf of Mexico matapos ang unang insidente ng pagsabog ng isang oil platform noong Nob. 16, 2012 kung saan tatlong Pinoy welder ang namatay habang tatlo pa ang nasugatan.