MANILA, Philippines - Nasa full alert na ang buong puwersa ng PhiÂlippine National Police (PNP) upang matiyak ang seguridad ng mamamayan na magtutungo sa mga sementeryo kaugnay ng paggunita sa Undas sa Nobyembre 1.
Una rito, inihayag ni Interior and Local Government Se. Mar Roxas na matapos ang bgy. elections noong Oktubre 28 ay isang araw munang bakasyon ang mga pulis bago muling magtaas ng alerto kaugnay naman ng Undas.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, partikular namang babantayan ang mga public transport terminals kabilang ang mga daungan at paliparan partikular sa Metro Manila na inaasahang dadagsain ng mga tao patungong mga probinsya.
Ipinaalala rin ni Sindac na umiiral pa rin ang gun ban at bawal ang pagdadala ng mga baril at anumang uri ng patalim sa mga sementeryo.
Maglalagay rin ng mga Police assistance desk sa entrance ng mga sementeryo para tumulong sa mamamayan habang magpapakalat rin ng mga traffic enforcers upang mangalaga sa daloy ng trapiko.